Isa Na Lang Para Sa San Beda
Lumapit ang defending champion San Beda College sa kanilang inaasam na three-peat sa NCA seniors basketball tournament matapos kunin ang Game-One sa pamamagitan ng 72-68 panalo kontra sa Jose Rizal University sa Araneta Coliseum kagabi.
Ginamit ng SBC Red Lions ang kanilang malawak na karanasan sa championships sa pangunguna ng Nigerian na si Sam Ekwe na muling napiling Most Valuable Player ng season kasama sina Pong Escobal, Ogie Menor at Borgie Hermida na komunekta ng mga krusyal na baskets para kunin ang 1-0 kalamangan sa best-of-three serye.
“It’s about making your shots. Kahit anong gawin mo sa plays mo, it boils down to making your shots. And my guys are very capable of hitting those shots,” pahayag ni San Beda coach Frankie Lim.
Matapos magbanta ang Jose Rizal University sa 67-70 sa huling 26.1 segundo ng labanan mula sa dalawang tres ni John Wilson, umiskor si Pong Escobal ng dalawang freethrows para makadistansiya ang Bedans, 72-67.
Matapos makaiskor si JR Bulangis ng split charities para makalapit sa 72-68, hanggang dito na lamang ang banta ng Heavy Bombers matapos magmintis sa dalawang attempts mula sa triple area sa huling 12 segundo ng labanan.
Sa juniors’ division, lumapit naman ang San Sebastian Staglets sa kanilang ikaapat na sunod na titulo matapos hatakin ang 83-81 panalo kontra sa Letran Squires sa Game-One ng kanilang sariling best-of-three titular series.
Kumunekta si Raffy Gusi ng tres sa huling 28 segundo ng labanan para kunin ang trangko bago ang split ni Almond Vosotros para sa final score, may 12-segundo pa ang natitira.
Bagamat may tsansa ang Squires na maisalba ang panalo nang makakuha ng foul si Jeremy Roxas mula kay Vosotros bago tumunog ang final buzzer, napressure ito at nagmintis sa kanyang bonus shots.
Samantala, kasama naman ni Ekwe sa Mythical Team sina Jason Ballesteros, na siya ring tinanghal na Best Defensive Player, Marvin Hayes, Neil Pascual ng MIT at RJ Jazul ng Letran.
Tinanghal na Rookie of the Year honor si Allan Mangahas ng MIT habang si Raffy Ynion ang Most Improved Player.
Si Keith Agovida ng Light Bombers na umiskor ng record na 82-puntos noong Sept. 5, ang Most Valuable Player sa juniors division.
- Latest
- Trending