Pagbuo ng National team ng PBA pinigil muna

Pansamantalang ipinatigil muna ni PBA Commissioner Sonny Barrios ang pagbuo ng RP team para sa 2009 FIBA Asia championship dahil sa away ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at breakaway group sa legalidad kung sino ang lehitimong national federation sa bansa.

Pinagbawalan kamakailan ni Manila Regional Trial Court Branch 24 judge Antonio Eugenio ang SBP, na pinamu-munuan ni Manny Pangilinan, mag-operate bilang national cage body sa petisyong isinampa nina dating Cong. Prospero Pichay at Cong. Luis Villafuerte.

Ayon kay SBP executive director Noli Eala iaapela nila ang utos ni Eugenio sa pagsa-sawalang-bisa sa eleksiyon ng SBP noong June 12 kung saan nahalal si Pangilinan bilang pangulo.

“We’re handcuffed by the court ruling. The PBA has never violated a court order and I don’t intend to violate one,” ani Barrios.

“Prudence dictates me to put on hold the formation of the national team starting with the naming of the coach. If we go on, the court might say ‘who ordered you so.’ Worse, we might be cited for contempt of court,” dagdag pa ni Barrios. “Hopefully, this legal matter is resolved immediately.”

Ihahayag na sana ni Barrios, na kararating lamang mula sa Amerika matapos ang dalawang buwang bakasyon, ang kanyang pipiliing national coach sa Oktubre 1. Ang coach na ito ang mabibigay ng blangkong awtoridad sa pag-buo ng koponan na umaasam ng slot sa 2010 World Championship sa regional qualifier na nakatakda sa Setyembre sa susunod na taon.

Ayon sa PBA commissioner, umaasa itong makakakita sya ng coach na mabibigyan ng buong atensiyon ang national team na bubuuin.

Wala itong binanggit na pangalan ng kandidato pero isang plus factor ang may karanasan ng coach bilang head coach o assistant coach sa international play. Ang mga PBA coach na may karanasan na sa international meet ay sina Tim Cone, Jong Uichico, Chot Reyes, Yeng Guiao at Binky Favis.

Hindi rin magiging matimbang kay Barrios ang win-loss record ng coach sa PBA.

“I’ve been part of the PBA participation in the national team endeavor from the time of coach Robert Jaworski (in 1990 Beijing Asiad) to the time of coach Jong Uichico (in 2002 Busan Asiad). The style of international game is far different from the PBA brand of play,” paliwanag ni Barrios.

Ngunit sa ngayon sinabi ni Barrios na nakatali ang kanyang kamay dahil sa utos ng korte at umaasa itong maiiwasan ang karanasang tinamo ni coach Chot Reyes at ng kanyang koponan noong 2005 kung saan kailangang magtrabaho ng husto at magsakripisyo bunga ng suspensiyon ng BAP mula sa International Basketball Federation.

At sa pagbabalik ng Philippine sa FIBA noong huling dako ng 2006, malaki ang naging epekto nito sa training ni Reyes at ng team kung saan pang-9th lamang sila sa FIBA-Asia championship noong nakaraang taon sa Tokushima, Japan. (Nelson Beltran)

Show comments