Sa ikatlong sunod na taon, muling aatungal ang mga Red Lions sa champion-ship series.
Ito ay matapos igupo ng nag-dedepensang San Beda College ang Mapua Institute of Technology, 60-53, sa kanilang ‘sudden death’ match sa Final Four ng 84th NCAA men’s basketball tournament sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang nasabing tagumpay ang nagtakda sa best-of-three titular showdown ng Red Lions at Jose Rizal Heavy Bombers matapos ang 31 taon.
“This is not yet the time for celebration. We still need to win two games against Jose Rizal to finally capture our third consecutive championship trophy,” sabi ni Lim, nagsisilbing team manager ng Talk ‘N Text sa professional league.
Bilang No. 1 at No. 2 teams sa Final Four, nagbitbit ang Red Lions at Heavy Bombers ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 4 Cardinals at No. 3 Letran Knights, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa 28-33 agwat sa first half, sumandal ang San Beda, pinupuntirya ang kanilang ‘three-peat’ matapos magkampeon noong 2006 sa ilalim ni coach Koy Banal at noong 2007 sa pamumuno ni Lim, kay Ogie Menor para agawin ang unahan, 34-33, sa 7:00 ng third period patungo sa 44-41 lamang kontra Mapua sa pagpinid nito.
Isang split at basket ng 6-foot-2 na si Menor ang naglayo sa Red Lions sa 47-41 sa 8:39 ng final canto bago nakalapit ang Cardinals sa 46-47 agwat mula sa isang three-point shot ni Jonathan Banal at jumper ni Mark Sarangay sa 6:25 nito.
Huling nakadikit ang Mapua sa 51-55 galing sa basket ni rookie guard Allan Mangahas sa 1:02 ng laro kasunod ang tatlong freethrows ni Borgie Hermida para sa 58-51 bentahe ng San Beda sa natitirang 24.6 segundo.
Kumabig si Menor, isang dating Red Cub, ng 17 puntos, 4 rebounds at 1 assists para pangunahan ang Red Lions kasunod ang 14 marka ni Hermida at 13 ni rookie forward Jake Pascual.
Pinamunuan naman ni Fil-Canadian Kelvin Dela Peña ang Cardinals, huling nakatuntong at nagkampeon sa finals noong 1991, mula sa kanyang 12 produksyon sa itaas ng 11 ni Pascual, 8 ni Mangahas at tig-7 nina Banal at Ian Mazo.
Bago ang salpukan ng San Beda at Jose Rizal bukas ng alas-4 ng hapon sa Big Dome, magsasagupa muna ang San Sebastian Staglets at ang Letran Squires sa alas-2 para sa kanilang best-of-three title showdown sa high school division.