So at Villamayor may pinakamagandang tinapos sa Pichay Cup international chessfest
Kapwa nakipagkasundo sina World Chess Olympiad-bound GMs Wesley So at Buenaventura “Bong” Villamayor sa kani-kanilang dayuhang kalaban para magtapos na magkatabla sa ikalimang hanggang ikapitong puwesto sa pagtatapos ng 4th Prospero Pichay Cup international chess tournament sa Duty Free Fiesta Mall sa Parañaque City.
Nakipag-areglo si So, na babanderahan ang bansa sa World Chess Olympiad sa Dresden, Germany sa Nobyembre 12-25, kay second seed GM Zhang Zhong ng Singapore matapos lamang ang siyam na sulungan ng Ruy Lopez at magtapos na may 6 puntos sa apat na panalo, apat na draw at isang talo.
Nakipaghatian naman ng puntos si Villamayor sa higher-rated na si GM Mikheil Mchedlishvili ng Georgia sa 35 moves ng Gruenfeld upang duplikahin si So.
Sina So, Villamayor at Mchedlishvili ay nagtapos na may isa at kalahating puntos sa likuran ng solo champion na si GM Li Shilong ng China (7.5 points) at 1 puntos sa likuran ni GM Saidali Iuldachev ng Uzbekistan, Zhang, at GM Ehsan Ghaemaghami ng Iran (7 points).
- Latest
- Trending