Nagtala ang Chess Olympiad-bound na si GM Buenaventura “Bong” Villamayor ng magkasunod na panalo laban sa kababayang si Kim Steven Yap sa sixth round at kay top seed GM Murtas Kazhgaleyev ng Kazakhstan sa seventh round upang samahan si GM Wesley So bilang mga natitirang Filipino players sa kontensiyon sa fourth Prospero Pichay Cup international chess championship sa Duty Free Fiesta Mall sa Parañaque City.
Tinalo ni Villamayor sina Yap at Kazhgaleyev para makalikom ng limang puntos, dalawang rounds pa ang natitira sa nine-round tournament na ito na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at sponsored ng Duty Free Philippines, Department of Tourism, Pilipinas Shell, Globe Telecoms at PAGCOR.
Ang 41-gulang na si Villamayor ay may limang panalo at dalawang talo para manatili sa kontensiyon para sa US$5,000 top prize mula sa total cash prize na US30,000.
Tinalo naman ni So, ang highest rated player ng Pinas sa kalalabas lamang na FIDE quarterly list, ang kababayang si GM Mark Paragua sa sixth round at nakipag-draw kay third seed GM Mikheil Mchedlishvili ng Georgia sa sumunod na round upang parisan ang limang puntos ni Villamayor.
Sina Villamayor at So ay may isang puntos na layo kay No. 16 seed GM Li Shilong ng China at kalahating puntos na distansiya sa second seed na si GM Zhang Zhong ng Singapore.
Nakipag-draw naman si Li, isa sa 13 Chinese players na kabilang sa 68-player field, kay Mchedlishvili sa sixth round at nanalo kay No. 8 GM Marat Dhzumaev ng Uzbekistan sa seventh round para masolo ang pamumuno sa kanyang six points.
Dinimolisa ni Zhang si No.14 GM Saidali Iuldachev ng Uzbekistan at naka-draw kay No. 4 GM Ehsan Ghaemmaghami ng Iran para sa solo second place na may 5.5 points.
Limang foreign players --Iuldachev, Mchedlishvili, Ghaemmaghami, Konstantin Shanava ng Georgia at Dao Thien Hai ng Vietnam ang kasama nina Villamayor at So sa third hanggang ninth places na may five points.