Bagamat marami ang nagsasabing mali ang desisyon ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao na hamunin si world six-division champion Oscar Dela Hoya, hindi ito pinaniniwalaan ni dating world light flyweight titlist Brian Viloria.
Sa isang panayam ni Dennis Principe sa kanyang radio program, kumpiyansa ang 27-anyos na si Viloria na makakahugot ng isang ‘upset’ ang 5-foot-6 na si Pacquiao laban sa 5’10 1/2 na si Dela Hoya.
“He’s the pound-for-pound best fighter in the world right now and Dela Hoya is coming out. So Manny, I think is gonna be a lot faster than Oscar and I think he has what it takes to upset Dela Hoya,” ani Viloria.
Ang 5’4 na si Viloria ang dating kasama ni Pacquiao sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach sa Hollywood bago kunin ang serbisyo ni Mexican Roberto Garcia bilang bago niyang chief trainer.
Nakatakdang magsagupa ang 29-anyos na si Pacquiao at ang 35-anyos na si Dela Hoya sa isang non-title welterweight fight sa Disyembre 6 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang unang pagkakataon na lalaban sa nasabing 147-pound division si Pacquiao matapos maghari sa flyweight, super bantamweight, super featherweight at lightweight classes, habang magmumula naman si Dela Hoya sa light middleweight category.
“Everyone thinks that Dela Hoya is a bigger guy. He’s coming from middle-weight division and Manny hasn’t really face that type of fighter,” wika ni Viloria. “But Manny is a great fighter that can win any fight.”
Isang tune-up match kay Juan Javier Lagos sa Setyembre 25 sa El Cajon, California ang sasabakan ni Viloria, tinaguriang “The Hawaiian Punch” at naging World Boxing Council (WBC) light flyweight king noong Setyembre 10, 2005 nang patulugin si Mexican Eric Ortiz via first round KO.
Ang nasabing laban ay bilang preparasyon sa paghahamon ni Viloria kay nInternational Boxing Federation (IBF) light flyweight ruler Ulises Solis sa Dis-yembre 13 sa Macau. (R.Cadayona)