JRU may twice-to-beat
Nakopo ng Jose Rizal University ang ikalawa at huling twice-to-beat advantage habang ang huling Final Four slot ay napasakamay naman ng Mapua.
Ito ang resulta ng dalawang playoff matches na ginanap kahapon sa 84th NCAA seniors basketball tournament sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Tinalo ng Heavy Bombers ang Letran College sa labanan para sa No. 2 slot, 69-53, habang pinasadsad naman ng Cardinals ang San Sebastian, 63-54, sa labanan para sa No. 4 seeding.
Muling maghaharap ang Letran at ang Jose Rizal sa pagsisimula ng Final Four bukas habang ang defending champion San Beda College at Mapua naman ang maglalaban sa isa pang semis match.
Dahil sa bitbit na ‘twice-to-beat’ incentive ng mga kalaban, dalawang panalo ang kailangan ng Mapua at Letran habang, isang panalo lang ang kailangan ng San Beda at Jose Rizal para maisaayos ang kanilang best-of-three titular showdown.
Agad ibinaon ng Heavy Bombers ang Knights sa 25-9 patungo sa pagposte ng pinaka-malaking kalamangan na 25 puntos, 58-33, 1:31 minuto sa third period tungo sa kanilang tagumpay.
Sumandal naman ang Cardinals kina rookie guard Allan Mangahas at Jonathan Banal sa natitirang 47.8 segundo sa final canto para kunin ang 60-53 bentahe matapos makabawi ang Stags sa isang 21-point deficit sa third quarter.
Sa juniors division, nakuha ng Letran Squires ang karapatang hamunin ang defending champion SSC Staglets matapos igupo ang JRU Light Bombers, 94-93. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending