Alcano, Valle nanalasa
Nagtala ng back-to-back na tagumpay sina dating double world champion Ronnie Alcano at Asian Games gold medalist Gandy Valle upang banderahan ang pito pang Pinoy cue artists na makapasok sa Last 16 ng Knightshot Champions 9-Ball Challenge na ginaganap sa exclusive Sharjah Golf and Shooting Club sa United Arab Emirates.
Si Alcano, umaasam ng kanyang unang titulo sapul nang huli itong magwagi noong 2007 World 8-Ball Championship sa Fujairah, UAE, ay nanaig kay local bet Khaled Esbattia, 7-5, sa opening round bago sinundan ng 9-2 panalo sa kababayang si Edgar Alcoser sa Last 32.
Sa kabilang dako, binuksan ni Valle ang kanyang kampanya sa torneong ito na magbibigay ng $10,000 premyo, sa pamamagitan ng pagdimolisa kay Mohammad Faraj, 7-2. Isinunod ng Villar Cup Cebu leg champion si Ahmad Gloom, 9-2, para makapasok sa round-of-16.
Bukod kina Alcano at Valle, ang iba pang Pinoy na nakasama sa Last 16 ay sina Jarry Pelayo, Ricky Zerna, Alan Cuartero, Venancio Tukaw, Israel Rota, Dawin Bernandaz at Joyme Vicente.
Tinalo ni Pelayo si Christopher Ramirez, 9-3, nanaig si Zerna kay Kim Aguipo, 9-3; ginapi ni Cuartero si Hamza Tariq, 9-3; pinayuko ni Tukaw si Abdullah Yousef, 9-5; dinimolisa ni Rota si Joven Alba, 9-1; nanaig si Bernandaz kay Joey Jose, 9-4; at binokya ni Vicente si Andrew Madurog, 9-0.
- Latest
- Trending