Dagmil nakatuon ang pansin sa 2012 London Olympics
Matapos mabigo sa nakaraang 29th Olympic Games sa Beijing, China, nakatutok naman si Filipino long jump expert Henry Dagmil sa 2012 Olympic Games sa London.
Sinabi ni Dagmil, nabigong makapasok sa final round ng men’s long jump event ng 2008 Beijing Games, na ang kanyang gagawing preparasyon ay lubos na nakasentro sa kanyang inaasahang ikalawang sunod na kampanya sa 2012 London Games.
“Talagang nakatutok ang training ko for the 2012 Olympic Games sa 2012 kasi hindi puwedeng ilang months or two years ka lang maghahanda,” wika ni Dagmil. “Dapat talaga mahabang panahon dahil iba ang level of competition pagdating sa Olympics.”
Sa 2008 Beijing Games, pumuwesto lamang ang 26-anyos na si Dagmil bilang 18th-placer sa kabuuang 20 long jumpers sa Group A mula sa kanyang lundag na 7.58 meters sa una niyang pagtatangka.
“Iyong talon ay worst ko in recent years. Kung 8 meters sana, baka pumasok. Kung 8.20 naman, laban na. Sayang,” wika ng tubong South Cotabato na may personal best na 7.99 mula sa nilahukang Jim Bush Invitational meet sa Southern California, USA.
Noong Huwebes binigay na kay Dagmil ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. ang P66,666.00 na bahagi ng P1 milyong cash incentive na ibinigay ng Pharmaton sa 15-man national team na sumabak sa 2008 Beijing Games.
“Siyempre, malaking tulong sa akin ito, sa training ko at sa pamilya ko kasi ako ang bread winner ng family ko,” ani Dagmil, lumahok sa 2008 Beijing Games kasama sina swimmers Miguel Molina, JB Walsh, Daniel Coakley, Ryan Arabejo at Cristel Simms, taekwondo jins Marie Antonette Rivero at Tshomlee Go, divers Shiela Mae Perez at Ryan Rexel Fabriga, boxer Harry Tañamor, archer Mark Javier, shooter Eric Ang, weightlifter Hidilyn Diaz at long jumper Marestella Torres. (RCadayona)
- Latest
- Trending