Pacman pa-US na para magtraining
Bilang isang 5-foot-6 fighter, ang kanyang bilis ang siyang magiging sandata ni Manny Pacquiao laban sa 5’10 1/2 na si Oscar Dela Hoya sa kanilang non-title welterweight fight sa Disyembre 6 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Siguro importante ‘yung speed, kaya ‘yon ang tututukan natin,” wika kahapon ni Pacquiao sa kanyang pagbisita sa mga sugatang sundalo sa Armed Forces Medical Center sa Quezon City. “Speed, footwork and head movement.”
Nakatakdang bumiyahe ngayong araw ang 29-anyos na si Pacquiao patungong Los Angeles, California para simulan ang kanyang training session kay Freddie Roach sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood.
At bago umalis ay binigyan muna ni Pacquiao, isang Marine reservist, ng inspirasyon ang halos 66 sugatang sundalo kasama si AFP Chief of Staff Gen. Alexander Yano.
“Sa lahat ng mga wounded, kaya ninyo ‘yan. Magpagaling kayo agad. Laban ulit, balik ulit sa sinumpaang tungkulin. Ako’y nasa likod ninyo palagi,” wika ni Pacquiao kasabay ng pamamahagi ng mga groceries, appliances at hospital equipment.
Inaasahan naman ni Roach na makikita niya ang tubong General Santos City sa Wild Card sa Lunes (US time) para sa kanilang training session at panoorin ang mga laban ng 35-anyos na si Dela Hoya sa mga kaliweteng sina Pernell Whittaker at Hector Camacho at pati na ang kay Steve Forbes.
Kaugnay nito, makakasama naman sa corner ng Team Pacquiao ang 70-anyos na cutman na si Miguel Diaz. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending