La Salle vs Ateneo ULI?
Kung magkakataon, isa na namang klasikong championship series ang magaganap sa UAAP men’s basketball tournament.
Hangad ng mahigpit na magkaribal na defending champion De La Salle University at ng Ateneo de Manila University na itakda ang kanilang titular showdown at ang kailangan lamang nila ay isang panalo kontra sa kanilang magkahiwalay na kalaban sa Final Four na magsisimula ngayon sa Araneta Coliseum.
Nagtapos sa elimination ang Ateneo bilang No. 1 team habang tinalo naman ng La Salle sa playoff ang Far Easten University para sa No. 2 slot at taglay nila ang twice-to-beat advantage kontra sa No. 4 na University of the East at No. 3 na Tamaraws.
Unang magsasagupa ang La Salle at FEU sa alas-2:00 ng hapon at alas-4:00 naman ang salpukan ng Eagles at Red Wariors.
Anim na taon na ang nakakaraan ng huling magharap sa finals ang Ateneo at La Salle at kailangan ng UE at FEU na manalo ng dalawang beses para pigilan ang muling paghaharap ng magkaribal na eskuwelahang ito.
“We were able to achieve our original goal which is to make it to the Top 2. But the hard part begins, we want to get to the finals and win the championship,” ani Ateneo coach Norman Black.
Bagamat nabahiran naman ng kalungkutan ang nakaraang 62-59 panalo ng La Salle dahil sa kontrobersiyang ibinabato kay coach Franz Pumaren at dahil na rin sa pagkamatay ng ama ng assistant coach na si Jack Santiago, desidido ang Archers na maidepensa ang kanilang iniingatang titulo. (MBalbuena)
- Latest
- Trending