Kampeon Si Torre
Wala nang makakapigil pa kay GM Eugene Torre.
Nakipaghatian ng puntos si Torre sa kapwa niya GM na si Ehsan Ghaemmaghami ng Iran sa ikasiyam at pinal na round bago naungusan si defending champion GM Li Chao ng China at Zhang Zhong ng Singapore sa tiebreak at tanghaling overall champion sa third President Gloria Macapagal Arroyo Cup international chess championship sa Duty Free Fiesta Mall sa Parañaque City.
Halos hindi natinag sa sorpresang kabiguan sa ikawalong round kay GM Mikheil Mchedlishvili ng Georgia, pinahirapan ni Torre ang higher-rated Iranian champion na may hawak ng puting piyesa bago isinelyo ang kailangang kalahating puntos para sa titulo.
Umabot lamang sa ika-30 moves ng Pirc defense ang draw, isa sa palaging gamit na opening ni Torre sa kanyang mahaba at makulay na career sa loob ng apat na dekada.
“Masayang-masaya ako. It’s a big honor for me to win this title. I felt like I was young again,” ani Torre, na sa edad 56 anyos ay siya pa ring most-acclaimed Filipino chess player sa kasaysayan.
Sa kabuuan, si Torre ay nakasama sa three-way tie para sa first place kasama sina Li at Zhang na may magkakatulad na 7 puntos sa 9-round tournament na ito.
Si Li, ang kampeon noong nakaraang taon na buhat din sa three-way tie, ay nanaig sa kababayang No. 8 seed na si GM Zhou Weiqi, habang nakipaghatian naman ng puntos si Zhang kay Mchedlishvili sa kapana-panabik na final round encounter.
Ngunit nagtapos si Torre, ang multi-awarded champion mula sa Iloilo City, ng may 2,572 tie-break score kontra sa 2,533 ni Li at 2,532 ni Zhang.
Gayunpaman, ang tatlo ay nagbulsa ng tig-$5,000 mula sa pinagsama-samang premyo ng first hanggang third place na $15,000.
- Latest
- Trending