Nabunutan ng tinik ang Magnolia nang ideklara ng sikat na American physician na si Steve Lombardo ng Kerlan Jobe Clinic sa Los Angeles na maliban sa ilang galos ay fit na si Samigue Eman.
Si Lombardo, na naging kliyente ang mga sikat na NBA stars na sina Michael Jordan at Magic Johnson ay hindi kailangan ni Eman na operahan pa siya kundi kailangan na lamang ng ilang serye ng theraphy sessions para palakasin ang kanyang tuhod.
Sinabi ni Magnolia coach Siot Tanquingcen na ang higanteng 6’8 na si Eman ay sumailalim na sa 16 na sesyon at uuwi na ng Pilipinas sa Setyembre 23.
Si Eman, No. 2 pick kasunod ni Joe Devance sa PBA Draft noong nakaraang taon, ay hindi gaanong naglaro sa kanyang rookie years dahil sa naulit na knee injury. Naglaro ito ng 16 sa 20 laro ng koponan sa Philippine Cup at nalimitahan sa isa sa Fiesta Conference.
Pagkatapos ng season, mismong si SMC chairman Danding Cojuangco ang nag-utos sa team management na ipadala si Eman sa Amerika para sa examination.
“We’re glad with the diagnostic on Eman he can come home early to join us in practice,” ani Tanquingcen.
Ngunit hindi naman ganito ang kay two-time MVP winner Danny Ildefonso na inoperahan sa dalawang sakong sa nabanggit na clinic. Pinakamaagang makakasama sa koponan si Ildefonso sa Enero.
Gayunpaman, mabilis ding nakakuha ang Magnolia ng pupuno sa iiwang puwesto sa frontline sa pagkuha nila kay Jay Washington at Mick Pennisi sa pamamagitan ng trade.
Naiselyo na ng Magnolia at Red Bull ang trade deal kagabi na nagdala kay Pennisi sa Beverage Masters kapalit ng first round pick ng Magnolia sa 2010 draft.
Nagpalakas din ang Beverage Masters sa back-court nang kunin nila si Bonbon Custodio habang nawala naman sa kanilang listahan si Chester Tolomia.
“We’re happy with the arrival of Mick. He’ll fill in our immediate need and, at the same time, he can surely help us develop our young players,” ani Tanquingcen.