Muling nagpamalas ng kanyang matikas na porma si GM Eugene Torre nang igupo nito ang Asian Indoor Games gold medalist at top seed GM Murtas Kazhgaleyev ng Kazakhstan sa mahabang 73 sulungan ng Nimzo Indian upang palakihin ang kanyang pamumuno sa third President Gloria Macapagal-Arroyo Cup international chess championship sa Duty Free Fiesta Mall sa Parañaque City.
Ang 56 anyos na si Torre, most acclaimed Pinoy player, ang nakakuha ng tamang sulong sa mahigpitang bakbakan na tumagal ng apat na oras at makangiti sa pagtatapos ng isa namang mabungang araw sa 9-round tournament na ito.
“I’m very happy to win this one. It was really a long and tiring struggle against Murtas,” anang nakahingang si Torre, na umaasang mapagwawagian ang kanyang unang major international tournament sa nakalipas na limang taon.
“Mahaba pa ang laban, but obviously my chances are a lot better now,” dagdag ni Torre, na tinalo ang lahat ng limang dayuhang kalaban sa isang mahusay na performance na nagbalik sa kanyang ginintuang panahon bilang isa sa kinakatakutang chess player sa Asya.
Ang panalo--ikalima sa gayundin karaming laban ang nagbigay kay Torre ng buong isang puntos na abante kay second seed GM Zhang Zhong ng Singapore, defending champion Li Chao ng China at fourth seed GM Ehsam Ghaemmaghami ng Iran may apat na rounds pa ang nalalabi sa $40,000 tournament na ito.
Nagparamdam din si Zhang, susunod na kakalabanin ni Torre, sa kanilang pinakahihintay na bakbakan, makaraang igupo si No. 17 GM Li Shilong ng China.
Si Li, na nagkampeon noong nakaraang taon dahil sa may pinakamataas na tiebreak score sa three-way, ay nanaig kay GM Darwin Laylo ng Philippines.
Tinalo naman ni Ghaemmaghami, ang highest-rated Iranian player at regular campaigner sa local circuit, si IM Weimign Goh ng Singapore upang samahan sina Zhang at Li sa three-way tie para sa second hanggang fourth places na may four points..
Nakipaghatian naman ng puntos si three-time national junior champion at GM-candidate John Paul Gomez kay GM Weiqi Zhou ng China upang hatakin ang malaking grupo ng players na may 3.5 puntos.
Nakipag-draw din sina GM Mark Paragua at IM Julio Catalino Sadorra.