25 bansa sasabak sa Asian Archery Grand Prix dito sa Pinas
Mga pangunahing archers mula sa 25 bansa ang darating kabilang na ang world powers Korea at China para sumabak sa 3rd Asian Archery Grand Prix na nakatakda sa susunod na buwan sa Ateneo grounds.
Tatampukan ng kompetisyon sa recurve at compound, ang tournament na ka-double ng Southeast Asian Archery Federation championship. Ang Grand Prix ay sa Oktubre 25-29 na susundan ng SEA championship sa Oktubre 30 at 31.
Ang unang yugto ng Grand Prix ay ginanap sa Bangkok, Thailand kung saan hinakot ng RP women’s compound ang gold sa tagumpay ni Jennifer Chan na nagrehistro ng bagong Asian record.
Magdaraos ng dalawang qualification phase ang NAAP sa Bacolod (Sept. 19) Manila sa Philsports Arena (Oct. 2) upang madetermina ang komposisyon ng RP archery team kung saan kasama sina Chan, Amaya Paz, Abigail Tindugan, sa maglalaban-laban para sa nasabing slots.
Hindi naman sasali si Beijing Olympics veteran Mark Javier at nagsabing magpapahinga muna matapos ang kanyang paglahok sa 29th Olympiad.
Bilang host, ang Philippines ay kakatawanin ng 12 archers, anim dito ay lalahok sa compound event para sa lalaki at babae.
Hindi makakakuha ng pinansiyal na tulong ang NAAP mula sa Philippine Sports Commission sa paghohost ng P2million meet na ito na suportado ng Gandiva Sports, Victoria Court, Amezeua Wellnes Center at Bonvo Travel.
Kabilang sa mga bansang nagkumpirma ng kanilang partisipasyon sa limang araw na torneo ay ang Korea, China, Chinese-Taipei, Qatar, Bhutan, Iran, Singapore, Malaysia at Indonesia.
- Latest
- Trending