Norwood, Solomon pumirma ng P8.7M kontrata sa Rain or Shine
Tiniyak ng Rain or Shine na hindi na makakawala sa kanila ang Fil-Am na si Gabe Norwood, ang kanilang top pick sa nakaraang PBA Annual draft sa taong ito.
Pinapirma ng Elasto Painters ang 23-gulang na si Norwood ng P8.7M tatlong taong kontrata, isang araw matapos ibigay ang kanilang 2007 top draft pick na si Joe Devance sa Alaska.
Maximum salary din ang ibinigay ng Welbest franchise sa 24-gulang na si Solomon, ang No. 5 pick na nakuha nila mula sa Alaska sa trade kamakalawa.
Sina Norwood at Mercado ay tatanggap ng P150,000 kada-buwan para sa 2008-09 season at lalaki ito ng P225,000 sa 2009-10 season at sa kanilang huling taon ay P350,000 kada-buwan.
Si Norwood na ang inaasahang magdadala ng Rain or Shine sa pagkawala ni Devance na ipinasa ng Elasto Painters kapalit nina Solomon at forward Eddie Laure bukod pa sa dalawang second round picks.
Nakapirma na rin ng tatlong taong kontrata ang dating La Salle stalwart na si TY Tang na nagkakahalaga ng limang milyon.
Si Norwood ay naging miyembro ng San Miguel-Pilipinas sa 2007 FIBA-Asia Men’s Championships sa Tukoshima, Japan noong nakaraang taon at ng RP Team na naghari sa 24th Southeast Asian Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Agad sinunggaban ng Rain or Shine si Norwood sa rookie draft na ginanap noong Linggo sa Market Market sa Taguig nang bigyan ito ng go-signal ng PBA na makibahagi sa draft matapos itong magkaroon ng problema sa requirements.
Bago pa man dumating ang draft day, may natanggap na offers at deal ang Rain or Shine para kay Norwood mula sa Magnolia at Talk N Text ngunit desidido silang pagsuutin ng kanilang uniporme si Norwood na naging star player ng Hapee Toothpaste sa Philippine Basketball League (PBL).
- Latest
- Trending