Norwood ‘di pa kumpleto ang dokumento
Tanging si Fil-American Gabe Norwood na lamang sa pitong Fil-Foreign applicants ang kulang ang dokumento para makalahok sa darating na 2008 PBA Rookie Draft sa Agosto 31 sa Market Market Activity Center sa
Ayon kay PBA Commissioner Sonny Barrios, nakapagsumite na ng kanilang mga dokumento sina Fil-foreign Sol Mercado, Rob Reyes, Jared Dillinger, Kevin Dalafu, Chris Viardo at Charles Waters.
“Most of them have already submitted the requirements. Si Mr. Norwood, hinihintay natin ‘yung kanyang BID (Bureau of Immigration and Deportation) certificate of recognition tsaka ‘yung DOJ (Department of Justice) affirmation,” ani Barrios kay Norwood. “Ang submission ng original at authenticated, ang talagang deadline niyan ay ‘yung last working day before Draft Day.”
May hanggang Biyernes ng tanghali pa ang 6-foot-4 na si Norwood, inaasahang huhugutin ng Rain or Shine, dating Welcoat Paints, bilang No. 1 overall pick, para mapasama sa 2008 PBA Rookie Draft, dagdag ni Barrios.
Dahilan sa paglalaro na ni Norwood sa Philippine Team ni Chot Reyes noong 2007 sa FIBA-Asia Men’s Championship sa Tokushima, Japan at sa 24th Southeast Asian Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand, hindi na ito masyadong hiningan pa ng PBA ng ibang dokumento.
“We are waiting for the other documentary requirement that are applicable to other Fil-Foreign. Wala na siyang kailangang isubmit na mga naturalization papers ng mga magulang niya, marriage certificate ng mga magulang niya. Iyong mga ‘yon, nawaived na lahat,” wika ni Barrios. “Ang hindi lang natin puwedeng i-waive ay ‘yung two documents stating legally and formally that he is a Filipino citizen.”
Bukod kina Mercado, Reyes, Dillinger, Dalafu, Viardo at Waters, ang iba pang nasa listahan para sa 2008 PBA Rookie Draft ay sina TY Tang at Cholo Villanueva ng La Salle, Mark Borboran at Kelvin Gregorio ng UE, Kelvin Dela Peña ng Mapua, Pong Escobal ng San Beda, Jeff Chan ng FEU, Jonathan Fernandez ng NU, Jason Castro ng PCU, Ford Arao ng Ateneo at sina Ryan Regalado at Diomar Facun ng UM.
Magbubukas ang 2008-2009 PBA Philippine Cup sa Oktubre 4 sa Araneta Coliseum. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending