Inaasahang pormal na ihahayag ngayong linggo ni world six-division titlist Oscar Dela Hoya kung sino kina Filipino Manny Pacquiao, Sergio Mora at Paul Williams ang kanyang sasagupain para sa kanyang farewell fight sa Disyembre 6 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa kabila ng naunang pag-atras ni Pacquiao bunga ng pagbasura sa kanyang hinihinging 60-40 revenue split, nilinaw ni Dela Hoya na patuloy pa rin ang pag-uusap ng kanyang Golden Boy Promotions at ng Top Rank ni Bob Arum.
“I have several challengers in mind, and I expect to define the name of the final candidate within a week,” ani Dela Hoya. “There are many potential opponents on my list, including Manny Pacquiao, who is still a viable contender because the negotiations are not over yet.”
Ipinipilit ng 35-anyos na si Dela Hoya ang 70-30 revenue split, samantalang matigas naman ang 29-anyos na si Pacquiao sa kanyang gustong 60-40 para sa kanilang non-title welterweight fight.
Bukod kina Pacquiao, Mora at Williams, nasa listahan rin ni Dela Hoya, gold medal winner sa 1992 Olympic Games sa Barcelona, Spain, si Mexican Antonio Margarito, nasa kampo rin ni Arum katulad ni Pacquiao.
“A lot of fighters have challenged me,” ani Dela Hoya. “Margarito is one of them, as well as Sergio Mora, whom I believe that, along with Pacquiao, is the one with the best chance to land the fight.”
Sinabi naman ni Arum na kung hindi papayag si Dela Hoya sa 60-40 split, itatapat na lamang niya kay Pacquiao si Mexican Humberto Soto para sa unang pagdedepensa ni ‘Pacman’ sa kanyang hawak na World Boxing Council (WBC) lightweight crown.
“When I get back, we’re going to talk about that, a Soto fight,” ani Arum sa sinasabi niyang Plan B ukol sa laban ni Pacquiao kay Soto sa Macau, China. “I’ve got a great offer for Manny on that and it’s not for Las Vegas, it’s elsewhere.” (Russell Cadayona)