RP solong ikatlo; tinalo ang Russia

MERSIN, Turkey -- Nakabalik ang Philippines noong Biyernes nang umiskor ito ng 3-1 panalo laban sa top seed Russia sa 7th round ng 2008 World Under-16 Chess Olympiad sa Mersin Great Municipality Sport Hotel dito.

Hiniya ni GM Wesley So si  IM Aleksandr Shimanov; pinayuko ni NM Haridas Pascua si Oleg Yaksin at ginapi ni Alcon John Datu si WFM Anastashia  Bodnarlik sa tagumpay ng mga Pinoy sa highly-rated Russians.

Tanging si Jan Emmanuel Garcia lamang ang nabigong makasama sa pagdiriwang makaraang yumuko ito kay Ilia Iljiushenok sa board four.    

 Nakabawi ang mga Pinoy mula sa 1.5-2.5 kabiguang nalasap nila mula sa defending champion India sa 6th round noong Miyerkules.

Sa kabuuan, umakyat ang mga Pinoy sa solong ikatlong puwesto na may 19 puntos kalahating puntos sa likuran ng India at Armenia, may tatlong rounds pa ang nalalabi sa 10-round chess tournament na ito na inorganisa ng Turkish Chess Federation na may basbas ng International Chess Federation (FIDE).

 Tinalo ng second seed India ang 6th seed Georgia, 3.5-.5 habang blinangko naman ng 7th seed Armenia ang 9th seed England, 4-0 para magsosyo sa unang puwesto na may magkatulad na 19.5 puntos.

Nalaglag ang Russia sa solong ikaapat na puwesto na may 18.5 habang nasa ikalimang posisyon ang 3rd seed Azerbaijan na pinayuko ang Slovakia, 3-1.

Si So, na umaasam ng kanyang ikalawang sunod na individual gold medal, ay may anim na panalo at isang draw sa top board.

Ang 4-man RP team, na iginigiya ni GM Buenaventura ‘Bong’ Villamayor at RP Youth training director GM-candidate Idel Datu, ay may apat na panalo, dalawang draw at isang talo sa kanilang baraha.

 Nanalo ang mga Pinoy sa Turkey Girls-A, 4-0 sa first round, Slovakia, 3-1 sa second round at Turkey A, 3.5-.5 sa fourth round. 

Nakipag-draw naman sila sa 6th seed Georgia, 2-2 sa third round at 7th seed Arme-nia, 2-2 sa ikalimang round.

Ang tanging kabiguan nila ay mula sa kamay ng India, 1.5-2.5 sa ikaanim na round.

Show comments