BEIJING --Kinumpleto ng Croatian na si Sandra Saric ang kanyang dominasyon sa natulalang si Mary Antoinette Rivero at umiskor ng 4-1 panalo upang tuluyang putulin ang pangarap ng Pinay jin at Team Philippines sa XXIX Beijing Olympic Games.
Isang sorpresang sipa sa katawan ang pinakawalan ni Saric sa ikatlong round upang makuha ang 2-1 bentahe at sinundan ng dalawa pang 45 degree defensive kick upang tuluyang patalsikin ang Pinay sa women’s welter-weight class ng taekwondo competitions na ginaganap sa Beijing University of Science ang Technology.
Dahil sa kabiguan, nalaglag si Rivero para sa gold-silver medal round at ang tsansang makakuha ng bronze medal sa repechage bago ang final match ay nagsara din ng matalo ang Croatian sa world champion na si Hwang Kyungseon, 3-1 sa quarterfinal round.
Isang malaking pagkadismaya ito para kay Rivero na sumunod sa katulad na first round na kabiguan ni Tshomlee Go kay Australian Ryan Carneli sa lightweight division may dalawang araw na ang nakakaraan.
At malayo din ito sa kanyang debut sa 2004 Athens Olympics nang siya ay 16 anyos pa lamang at nakarating sa semis makaraang yumuko kay Elisavet Mystakidou ng Greece at nakawala ang bronze sa kabiguan niya kay Hwang sa repechage.
At dahil din dito, si Rivero at Go ay sinamahan ang 12 pang ibang Pinoy bets na hindi man lang nakausad sa first round ng kani-kanilang event sa quadrennial meet.
Tanging si Hidilyn Diaz lamang ang nasa finals-- sa 58 kgs. class ng women’s weightlifting-- at ito ay dahil ang kanyang event ay binawasan at ginawang 12-woman final competition.
Ang kabiguang ito ay muling nagsara sa isang madilim na kampanya ng Team Philippines na hindi nakakapag-uwi ng medalya sa tatlong magkasunod na Olympics sapul noong Sydney Games.
“I’m sorry I lost,” tanging nasambit ni Rivero kay taekwondo president Robert Aventajado habang humihikbi ito sa loob ng athletes dressing room.
“Well, Toni’s opponent is the European champion and well experienced. Toni was a little bit hesitant with the pressure. She knows the country is watching her,” ani Aventajado.