BEIJING -- Humahataw sa unahan si dating world champion Willy Wang may isang round na lang ang nalalabi sa 29th Olympic Games wushu competitions sa Olympic Sports Center.
Pinanonood ni First Gentleman Mike Arroyo kasama ang ilang kaibigan at miyembro ng Filipino community dito, nagsumite si Wang ng 9.74 points sa unang round ng two-round nanquan o forms event upang pangunahan ang mga karibal mula sa 20 bansa.
Ang nasabing event ay espesyal o exhibition sport, na ibig sabihin ang medalyang mapagwawagian dito ay hindi ibibilang sa opisyal na bilang ng medalya.
Naghahabol naman ang Brazil, Macau at Chinese-Taipei na nasa second, third at fourth sa kanilang iskor na 9.72, 9.71 at 9.70, ayon sa pagkakasunod.
Nakasiguro naman ng bronze medal si Marian Mariano, nang makapasok ito sa semifinals ng sanshou o combat event kung saan makakalaban niya ang Iranian.
Maganda rin ang ipinakita nina Benjie Rivera at Mary Jane Estimar sa kanilang debut kahapon ng umaga.
Ang Chinese ang nag-pakilala ng naturang sports at pinagsisikapan na makasama ito sa mga darating na Olympic Games. Gayunpaman, hindi pa rin ito kasali sa 2012 London edition. (Gerry Carpio)