Hindi kayang ipaliwanag ni coach Jong Uichico kung paano nanalo ang kanyang Barangay Ginebra sa katatapos ng 2008 PBA Fiesta Conference matapos silang dapuan ng sunud-sunod na injuries sa kasagsagan na ng finals series.
Ang tangi niyang paliwanag ay ang matinding determinasyon ng mga players, tulong mula sa itaas at siyempre, ang suporta ng mga ‘taga-Barangay.’
“We were able to overcome the hardships, adversities and shortcomings. I myself cannot explain what had happened except of course, by the heart of the players,” ani coach Jong Uichico. “So I’m very sure that it is Divine Intervention.”
Sunud-sunod na nadisgrasya ang mga ‘taga-Barangay’ ngunit sa likod nito ay natakasan nila ang palabang Air21 sa mahigpitang best-of-seven championship series na tinapos nila sa 4-3 panalo-talo.
“The players deserve all the credit for not giving up. We could have easily given up when we lost Jayjay (Helterbrand). We could have easily given up when Mark Caguioa got injured. And we could have easily given up when the others also got hurt. But the players didn’t,” ani Uichico.
Na-injured ang Best Player of the Conference na si Helterbrand na di na nakalaro sa huling tatlong games sa championship series gayundin si Mark Caguioa, si Ronald Tubid at Rafi Reavis gayunpaman ay magiting na nakipaglaban ang Ginebra para sa kanilang ikawalong titulo.
“I think dominado ng Air21 itong series na ito in terms of manpower. Ang sabi ko lang sa mga players ko, laban lang kami and we have to find that spirit from the crowd, that spirit from God to sustain the series,” wika ni Uichico.
Ngunit siyempre, hindi maikakaila ang suporta ng mga fans.
“What can I say. Kaya kami nandito is because of the Ginebra fans,” sabi ni Uichico, may anim na PBA titles sa Beermen. “Ito ay para sa mga fans ng Barangay Ginebra.”
Ayon kay Uichico, nagsubi ng kanyang ikalawang titulo para sa Ginebra at ikawalo sa kabuuan matapos maghatid ng anim na korona sa San Miguel, espesyal ang titulong ito.
“Every championship means a lot whether it’s your first, second, third or what. But this one is really special. It’s hard to explain how we won the series with all the injuries and tough challenges we faced,” sabi ni Uichico. (Mae Balbuena)