Fil-Am boxer aakyat sa ring para sa WBC title bout

Nang makita siya ni Filipino world four-division champion Manny Pacquiao sa Wild Card Boxing Gym ni American trainer Freddie Roach, ikinunsidera agad siyang magiging isang ‘potential female world champion’.

Ngayon, pagkakataon na ni Fil-American Ana “The Hurricane” Julaton na totohanin ang nasabing prediksyon sa kanya ni Pacquiao.

Nakatakdang sagupain ni Julaton si Dominga Olivo ng Dominican Republic para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) International super bantamweight championship sa Tachi Palace Hotel And Casino sa Lemoore, California.

“I’m excited about fighting Dominga Olivo,” sabi ni Julaton, nagdadala ng 4-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 1 KO kumpara sa 6-4-1 ni Olivo. “She’s been in some very tough fights. I have so much to learn in boxing. But it’s a great opportunity.”

Maliban kay Pacquiao, nakakasabayan rin ni Julaton sa pag-eensayo sa Wild Card Gym ni Roach sina Gerry Peñalosa, Bernabe Concepcion at Diosdado Gabi.

“She’s a very good listener,” wika ni Roach kay Julaton, ang nag-iisa niyang female fighter. “Whatever I tell her to do she picks it up very quickly.”

Si Julaton, silver medalist sa 2007 US Women’s National Championships, ang pang 12th-ranked contender sa listahan ng bantamweight class ng WBC, samantalang No. 6 naman si Olivo sa super featherweight division. (Russell Cadayona)

Show comments