Kailangang mangagat na ang Bulldogs!
Nakapanghihinayang din ang nangyari sa National University Bulldogs noong Sabado sa laban nila kontra sa nagtatanggol na kampeong La Salle Green Archers.
Akala ng ilan ay makakapagposte na sila ng upset dahil sa nalamangan nila ang Green Archers ng 15 puntos sa kalagitnaan ng second quarter, 36-21. Angat pa nga sila sa halftime, 42-31.
Pero pagdating ng second half ay biglang nagbago ang istorya. Nilimita sila ng La Salle sa siyam na puntos sa third quarter samantalang gumawa naman ang La Salle ng 31 puntos upang makaabante, 62-51 papasok sa fourth quarter.
Biruin mo yun! Nalimitahan nila sa 31 puntos ng La Salle sa first half pero sa third quarter ay 31 kaagad ang ginawa ng Green Archers. Ano ang nangyari sa NU? Anong klaseng depensa ang ginawa ng Bulldogs?
Nagwagi ang La Salle, 79-67 at patuloy na nakakapit sa ikalawang puwesto at patatagin ang hangaring makakuha ng twice-to-beat na bentahe sa Final Four.
Ito namang NU ay nalaglag sa 2-8 record at may apat na games ang nalalabi. Kahit na mapanalunan pa ng Bulldogs ang lahat ng natitirang laro, baka hindi na rin iyon maging sapat upang makarating sila sa Final Four.
Well, back to the drawing board para sa NU at kay coach Manny Dandan. At ang masama pa nito’y maraming mga players na mawawala sa kanilang poder dahil gagraduate na. Isa sa mga mawawala ay ang kanilang kasalukuyang main man na si Edwin Asoro.
Malaking kawalan iyon. At tila wala pa namang puwedeng pumalit sa kanyang puwesto pwera na lang kung maka-discover ng panibagong talent si Dandan.
Ewan lang din natin kung mararamdaman ng NU ang pagkawala ni Asoro. Kasi nga, sa kasalukuyang torneo, tila hindi naman dominante si Asoro kahit pa sabihing siya na nga ang pinakabeterano sa mga Bulldogs. Aba’y may playing experience siya sa Harbour Centre sa Philippine Basketball League. nakapaglaro na rin siya sa ibang bansa. pero hindi niya magamit ang mga karanasang ito para mabuhat sa kanyang balikat ang NU.
Marahil nga’y isang matinding basketball program o sports program ang kailangang maisakatuparan ng NU. At puwedeng mangyari iyan dahil nga si Henry Sy na ang may-ari ng eskuwelahang ito. Tiyak na malawakang recruitment program ang gagawin ng NU sa mga susunod na seasons upang mapalakas hindi lang ang kanilang basketball team kundi pati na ang iba pang sports programs nila.
At kung magiging tunay na competitive ang Bulldogs, aba’y mas magiging exciting ang mga laban sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Magiging less predictable, ‘ika nga!
- Latest
- Trending