BEIJING -- Sisimulan na ni Tshomlee Go ang paghahabol sa ultimate prize ng sports na kanyang napili, sa kanyang pag-akyat sa Olympic stage kontra sa kinakatakutan at malalakas na kalaban sa apat na kontinente sa Beijing Olympics taekwondo competitions na magsisimula ngayon sa Beijing University of Science and Technology.
Nakataya dito ang mataas at higit sa lahat ang pressure para sa 27 anyos na two-time Olympian na naatangan para sa kampanya ng bansa na isubi ang kauna-unahang medalya matapos ang kabiguan ng 15-members Team Philippines at walong taon na pagkabigo sapul noong 2000 Games sa Sydney.
Si Go ay miyembro ng 2004 contingents na walang naiuwing medalya mula sa Athens at alam niyang kailangan niyang makapag-uwi ngayon.
“I am in good shape. I am physically and mentally prepared for this bout. I will give it my best shot for our fellow Filipinos and I know they will pray for me,” wika ni Go.
Ang pag-asinta ay magsisimula sa alas-11 ng umaga sa kanyang pakikipaglaban sa 22-year-old Australian na si Ryan Carneli sa first round ng flyweight (-58 kg) division ng naturang sport, isang ‘Korean karate’ na binuo ng mga Koreans at Chinese noong 1915.
Kapag nanalo si Go, aabante ito sa quarterfinals sa ganap na alas-12 ng tanghali at isa pang panalo ay magdadala sa kanya sa semis sa ganap na alas-5:30 ng hapon.
Ang repechage o loser’s bracket ay gaganapin bandang alas-6:30 ng gabi kung saan ang talunan sa semis ay haharapin ang nagwagi sa nagdaang round ng repechage para sa dalawang bronze medal na nakataya.
Ang repechage ay limitado sa players na natalo sa eventual finalist sa round of 16, quarterfinal at semifinals.
At dahil dito, kapag natalo si Go sa Australian, kailangan niyang maghintay ng hanggang alas-6 ng gabi para malaman kung makakapasok so Carneli sa final. At kung hindi, out na si Go sa medal round.
Ang panalo sa semis ay magdadala kay Go sa final round sa ganap na alas-8:15 ng gabi at pagsapit ng alas-8:20 ng gabi malalaman na kung sino ang nagwagi ng gold at silver.
May insentibong P15 million mula sa Malakanyang at pribadong isponsor ang naghihintay sa gold medalists. Ang Petron na pangunahing supporter ng taekwondo ay magbibigay ng P1M, P600,000 sa silver at P300,000 sa bronze at nagsosyo sa P50,000 para sa partisipasyon nina Go at Toni Rivero sa Olympics.