BEIJING -- Pinanood at sinuportahan ng buong pamilya, nagtala ng bagong Philippine at SEA Games record ang Hawaii-based na si Daniel Coakley, sa paglangoy nito sa 50m freestyle upang ilista ang ikaapat na bagong marka na Fil-Am swimming team sa Water Cube.
Naorasan si Coakley ng 22.69 second upang burahin ang kanyang 22.80 seconds na markang inilista nang magwagi ito sa Manila SEA Games sa naturang event.
Nanguna sa 13 heats ay ang Frenchman na si Amaury Leveaux, na lumangoy ng 21.46 seconds at tabunan ang Olympic record na 21.91 ni Alexander Popov sa 1992 Barcelona Games.
Sobrang bilis ang top 15 swimmers ng pitong heat at nalagpasan agad ang marka sa Olympics sa heat pa lamang.
Pang-39th overall si Coakley, may 56 of a second sa likuran ng cut-off time na 22.17.
Ang iba pang Pinoy swimmers na nakasira ng national record ay sina James Walsh sa 200m butterfly (1:59.39), Christel Simms sa100m freestyle (56:16), at Miguel Molina sa 200m individual medley (2:01.69).
Nasa karera pa rin sa mailap na medalya mula sa orihinal na 15-member RP athletic delegations sina Simms sa 50m freestyle at Ryan Arabejo sa 1,500m freestyle sa swimming, Sheila Mae Perez sa women’s platform diving, Ryan Rexel Fabriga sa 10m platform diving, long jumpers Henry Dagmil at Marestella Torres at taekwondo jins Tshomlee Go at Toni Rivero.
Si Simms, na sinira din ang sariling record sa 100m freestyle dalawang araw na ang nakakaraan ay lalangoy bilang second-ranked swimmer sa ikaanim na heat ng 50m freestyle. Ang kanyang Philippine record ay 26.31 na naglagay sa kanya sa lane 5 kung saan target nito ang 25 second mark, na isang improvement ng kanyang seven month old na marka.
Si Perez na nararamdaman pa rin ang back pain ay maghahanap naman ng puwesto sa 18-woman semifinals pagkatapos ng 32-women prelims habang si Arabejo, estudiyante ng La Salle na nasa scholarship sa Bolles Bolles School sa Jackson, Florida, ay sasabak sa 1,500m freestyle, puntiryang mabura ang kanyang sariling marka na15:39.86.