Tinanghal ang American forward na si Kelly Williams ng Sta. Lucia bilang 2007-2008 Most Valuable Player (MVP) ng Philipine Basketball Association (PBA).
Tinanggap ni Williams, produkto ng Oakland University ang prestihiyosong MVP trophy sa awards ceremonies na ginanap bago simulan ang Game-4 ng Smart-PBA Fiesta Conference finals sa pagitan ng Ginebra at Air21 kagabi sa Araneta Colsieum.
Nagtala ang 6-foot-4 na si William ng 35.5 Statistical Points mula sa 2762 votes upang talunin sina Arwind Santos ng Air21 (1775) at ng Best Player of the Conference na si Jayjay Helterbrand ng Barangay Ginebra (1158).
Si Williams ang ikaapat na Fil-Am na tinanghal na PBA MVP kasunod sina Ricardo Brown (1985), Asi Taulava (2003) at Eric Menk (2004-05).
Inangkin naman ng kanyang teammate na si Fil-Am guard Ryan Reyes ang Rookie of the Year (ROY) award matapos umani ng kabuuang 3105 votes.
Tinalo ni Reyes sina Ronjay Buenafe ng Coke (1286) at Fil-Am forward Joe Devance ng Welcoat (919).
Kasama naman nina Williams, Santos at Helterbrand sa First Mythical Team sina Asi Taulava ng Coke at Mark Caguioa ng Ginebra, habang nasa Second Mythical sina two-time MVP Willie Miller at Sonny Thoss ng Alaska, Kerby Raymundo ng Purefoods, Cyrus Baguio ng Red Bull Barakos at Bitoy Omolon ng Sta. Lucia.
Napili naman ang 6’1 na si Baguio bilang Most Improved Player, habang si Ali Peek ng Talk ‘N Text ang ginawaran ng Sportsmanship Award.
Kasama naman sa All-Defensive Team sina Williams, Santos, Reyes, Wynne Arboleda ng Air21 at Marc Pingris ng Magnolia. (MBalbuena)