Karapat-dapat
Deserving naman sina Jayjay Helterbrand at Chris Alexander ng Barangay Ginebra na makamit ang mga karangalang ipinagkaloob sa kanila noong Biyernes. Si Helter-brand ang siyang nahirang na Best Player of the Conference samantalang si Alexander ang siyang Best Import ng PBA-Smart Fiesta Conference.
Dinaig ni Helterbrand ang kakamping si Mark Caguioa kasama na rin sina Kelly Williams ng Sta. Lucia Realty at Arwind Santos ng Air 21 Express. Sa kabilang dako, tinalo naman ni Alexander si Steven Thomas ng Air 21 Express.
Sa tutoo lang, si Helterbrand ang pinaka-consistent sa mga performers ng Gin Kings bagamat si Caguioa ang masa-sabing leading scorer nila. Kasi, maganda ang all-around numbers ni Helterbrand. Hindi lang siya pumupuntos kundi nagbibigay siya ng magagandang assist passes sa kakampi. Total package talaga!
Isa pa’y magugunitang nagtamo ng injury si Caguioa at nag-miss ito ng ilang games. Pero pinunan ni Helterbrand ang pagkawala ni Caguioa at nagwagi pa nga ang Gin Kings habang hinihintay nila ang pagbabalik sa active duty ng manlalarong tinaguriang “The Spark.”
Bukod dito’y tatlong beses ding pinarangalan ng PBA Press Corps bilang Player of the Week si Helterbrand. E, kung ang mga sportswriters lang ang tatanungin, talagang hands down choice si Helterbrand para sa Best Player of the Conference award.
Kaya naman walang ikasasama ng loob si Caguioa sa pagkakapanalo ni Helterbrand. Deserving ang kanyang kakampi.
Pero siyemre, kung may sumasama ang loob, ito’y ang mga fans ng Air 21. Kasi nga’y pakiramdam nila’y parang shoo-in na si Thomas bilang Best Import. Hindi nga ba’t kitang-kita ang kahalagahan ni Thomas nang hindi siya nakapaglaro sa Air 21 sa Game One ng semifinals kung saan dinurog ng Magnolia Beverage Masters ang Express?
Kahit na si coach Dolreich “Bo” Perasol mismo ay amina-dong si Thomas ang pinakamahalaga nilang piyesa. At karamihan ay nagsabi na si Thomas ang dahilan kung bakit nasungkit ng Express ang unang automatic semifinals berth ng torneo sa pagtatapos ng double round eliminations.
Pero natalo nga si Thomas ni Alexander na ikatlong import ng Gin Kings pagkatapos subukan sina Rashon Turner at Earnest Brown. Ayon sa mga kritiko’y replacement import lang si Alexander at medyo dapat kinilingan si Thomas na isang “original.”
Pero yun nga yun, e. Nung sina Turner at Brown ang import ng Gin Kings ay hindi nanalo ang Barangay Ginebra. Nagsimula lang magwagi ang Gin Kings nang nandito na si Alexander.
So, ano pa ba ang kailangang pruweba upang patunayan ang halaga ng isang import?
- Latest
- Trending