Gustong ipakita ng Air21 na kaya nilang manalo at kaya nilang pigilan ang Ginebra. Naiparating nila ito.
Nagtala ang bagong salta sa finals na Air21 ang impresibong 124-90 panalo upang pigilan ang 13-game winning streak ng Gin Kings, ang pinakamahaba sa loob ng 12-taon.
“We wanted to put into Ginebra’s mind that they are beatable,” ani coach Air21 coach Bo Perasol.
Bukod sa tumaas ang morale ng Express baka magkaroon pa sila ng advantage kung hindi lalaro si Jay Jay Helterbrand, ang tinanghal na Best Player of the Conference, matapos magtamo ng pulled hamstring sa ikatlong quarter ng kanilang nakaraang laban.
Ayon kay coach Jong Uichico, ngayon araw pa lamang nila malalaman kung makakalaro si Helterbrand.
Alas-6:30 ng gabi, nakatakda ang Game-Three ng kanilang best-of-seven championship series na naitabla ng Express sa 1-1 panalo-talo.
Isang nakakahiyang pagkatalo ito para sa beterano sa finals na Ginebra na sinasabing magiging madali ang kanilang daan patungo sa kampeonato laban sa ‘finals rookie’ na Air21.
Ngunit kung di makakalaro si Helterbrand, masisira ang backcourt ng Ginebra.
Inaasahan ni coach Bo Perasol na may ilalabas pa ang kanyang team at nangyari ito.
“That was the challenge and the boys responded well,” sabi ni Perasol. “Now we must continue with that kind of attitude because we all know that Ginebra would make adjustments for Game 3.”
Inaasahang muling magtatagisan ng galing sina Air21 import Steve Thomas at Ginebra reinforcement Chris Alexander. (Mae Balbuena)