Bulls nakuntento sa 3rd place

Nakinabang ang Red Bull sa disciplinary action na ipinataw ng Magnolia kay import Amal McCaskill na limang minuto lang pinaglaro.

Sinamantala ng Bulls ang pagkawala ni McCaskill tungo sa kanilang 102-90 panalo laban sa Magnolia sa kanilang knockout game upang makopo ang konsolasyong third place sa Smart-PBA Fiesta Conference kagabi sa Araneta Coliseum.

Humataw si Red Bull import Adam Parada na tumapos ng 33-puntos at sinuportahan naman ito ni Leo Najorda ng 22-markers tungo sa ikatlong third place trophy ng Bulls sapul nang pumasok sa liga noong taong 2000.

Hindi sumipot sa ensayo kamakalawa ang 6-foot-10 na si McCaskill kaya’t bilang parusa, limang minuto lamang itong isinalang at wala itong naiambag na puntos.

Nagkaroon ng tensiyon sa laro nang batuhin ni Carlo Sharma ang referee, may 9:20 minuto ang oras sa ikaapat na quarter.

Nakasilip ng pagkakataon ang Beverage Masters at isang 12-1 atake ang kanilang isinagawa sa pagtutulungan nina Danny Seigle, Ken Bono, Jonas Villanueva at Dorian Pena makalapit sa 82-86, 7:51 minuto ang nalalabi sa laro matapos mabaon ng 15-puntos 85-70.

Mabilis namang nakalayo ang Bulls nang magtulung-tulong sina   Parada, Kiko Adriano at Leo Najorda para iwanan ang Magnolia sa 94-82 may 6:17 na lamang ang oras sa laro.

Habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyang naglalaban ang Ginebra at Air21 sa opening game ng kanilang best-of-seven titular series.     

Samantala, namatay  kamakalawa ng gabi si dating PBA import Darryl Smith dahil sa atake sa puso matapos maglaro   sa Liloan, Cebu.(Mae Balbuena)

Show comments