BEIJING -- Higit pa sa suwerte sa draw at ang presensiya ng reigning world champion na si Zou Shiming, iniisip din ni boxing association president Manny Lopez ang maitim na usok na bumabalot sa lungsod na ito.
Kaya nang dumating ang mga atleta dito para makibahagi sa 2008 Olympics, mahigpit na bilin ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) chief sa kanyang boxer na si Harry Tañamor, isa sa inaasahang makapag-uwi ng gold, ay hangga’t maaari ay huwag lumabas ng silid.
“Mabigat at makapal ang haze dito. So the instruction is to avoid staying outdoors due to heavy haze. Avoid lang yung outdoors as much as possible,” ani Lopez.
Naglight workout na ang 30-gulang na si Tanamor, noong Martes ng hapon at kahapon ng umaga.
Kailangan pang makipag-sparring ni Tanamor ngunit naghahanap pa ang RP boxing coaching staff ng sparmates nito.
“Hindi pa nakapag-spar si Harry at nakikipag-coordinate pa kami sa ibang teams dito,” ani Lopez.
Sa kanyang ikalawang Olympic stint ni Tanamor, sa August 13 pa ang kanyang laban.
Kung susuwerttihin sa draw at makakuha ng first round bye, sa August 16 na ang akyat sa ring ni Tañamor.
Ang drawing of lots ay nakatakda bukas ng umaga.
Si Shiming, ang Chinese national na kasalukuyang champion sa lightflyweight class, at ang European titlist na si David Ayrapetyan ng Russia, ang mga kinokonsiderang paboritong manalo ng gold sa 48-kg. weight.