Itinuturing pa rin ang kanin bilang isa sa mga pinakamahalagang pagkain ng mga Pinoy.
Sabaw lamang ng nilagang baka ang inihalo sa isang pinggan na kanin, pinagharian ng beteranong si Allan Ballester ang Metro Manila eliminations ng 2008 Milo Marathon sa kabila ng malakas na buhos ng ulan kahapon sa Quirino Grandstand sa Luneta.
Nagsumite ang 34-anyos na si Ballester ng tiyempong 2:31:34 upang ibulsa ang premyong P30,000, habang pinagreynahan naman ng 20-anyos na si Aileen Tolentino ang distaff side sa kanyang oras na 3:21:22.
“Kanin lang ang kinain ko tapos sinabawan ko ng sabaw ng nilagang baka. Kahit na mahal na rin ang kanin, siyempre, pagkain ‘yan ng Pinoy at hindi ‘yan mawawala sa lamesa,” wika ni Ballester, tubong Sorsogon, sa kanyang paghahari sa nasabing 42.195-kilometer race. “After this race, siyempre, nilagang baka na ang uulamin ko.”
Matapos angkinin ang unahan sa huling 20-kilometro sa Pasay City laban kina Bernardo Desamito at Elmer Sabal, hindi na lumingon pa ang Navyman patungo sa pagtawid sa finish line.
“Tinitingnan ko lang ‘yung galaw ng mga kalaban ko. Last 20 kilometers kinuha ko na at hindi ko na talaga binitawan,” ani Ballester, naghari sa Milo National Finals noong 2000 at 2001. “Nahirapan rin ako sa ulan dahil basa ‘yung kalsada at bumibigat ‘yung sapatos ko. Pero sa pagod, hindi naman ako pagod.”
Naglista sina Desamito at Sabal ng oras na 2:35:31 at 2:37:59, ayon sa pagkakasunod, para sa second at third place trophy.
“If ever naman na gusto nila akong pabalikin sa national team, willing naman ako eh,” sabi ni Ballester, tumapos bilang 5th placer sa men’s 5,000m run at 7th placer sa 10,000m run sa 2007 SEA Games.
Kagaya ni Ballester, ang patuloy na pagsasanay para sa 2008 National Finals ang gagawin ni Tolentino.
“Dream ko talagang manalo sa National Finals, kaya magte-training ako ng husto,” ani Tolentino, sinundan ng kaedad na si Joanne Manangat (3:22:16) at ng 44-anyos na si Janeth Lopena (4:06:00).