Bagamat bihirang pag-kakataon ang makasama ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa isang seremonya, titiisin na lamang ito ni national boxer Harry Tañamor.
Inihayag kahapon ni Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) president Manny T. Lopez na hindi makakasama si Tañamor sa nakatakdang courtesy call ng Team Philippines kay Presidente Arroyo sa Malacañang ngayong hapon.
“Kung hindi naman nila mama-samain, nakalaan kasi sa ating programa na meron siyang aktibi-dad na dapat gawin at kailangang tapusin,” sabi ni Lopez sa pagliban ng 29-anyos na si Tañamor sa naturang okasyon sa Palasyo bago ang pagalis patungong Beijing, China para sa 2008 Olympic Games.
Ayon kay Lopez, nakalaan ang panahon ng tubong Zamboanga City sa sparring session ngayong araw sa Go-for-Gold boxing program ng ABAP sa Baguio City kasabay ang mga inimbitahang African pugs.
“He is now tapering off for his final preparation. We’re preparing him mentally and physically for the coming 29th Olympic Games,” wika ni Lopez kay Tañamor, isang two-time gold medalist sa Southeats Asian Games at two-time bronze medal winner sa World Amateur Boxing Championships.
Tanging sina national swimmers Miguel Molina, Ryan Arabejo, JB Walsh, Daniel Coakley at Cristel Simms, taekwondo jins Marie Antonette Rivero at Tshomlee Go, divers Shiela Mae Perez at Rexel Ryan Fabriga, weightlifter Hidilyn Diaz at long jumpers Marestella Torres at Henry Dagmil ang makakadalo sa courtesy call kay Pangulong Arroyo. (R Cadayona)