Sa matensiyong labanan ng Letran College at defending champion San Beda College, nangibabaw ang Red Lions, 71-67 upang ipalasap sa Knights ang kanilang kauna-unahang kabiguan sa 84th NCAA men’s basketball tournament sa Cuneta Astrodome kahapon.
Napatalsik si Kojack Melegrito mula sa paninikmura kay Borgie Hermida sa first period at nagkaroon pa ng batuhan ng mga barya sa second quarter ngunit nangibabaw ang matinding determinasyon ng Bedans na makabawi sa dalawang masagwang pagkatalo.
Matapos bawiin ang kanilang panalo laban sa College of St. Benilde at ang nakakadismayang pagkatalo sa Jose Rizal University, umangat ang San Beda sa 5-2 record kung saan katabla nila ang Heavy Bombers na nanalo naman sa unang laro kontra sa Philippine Christian University, 60-58.
Nanatili pa rin sa liderato ang Letran matapos masira ang kanilang six-game winning streak.
Lumayo sa 19-points ang Red Lions, 55-36 ngunit nakadikit ang Knights sa 50-58 sa bungad ng final canto matapos ang 14-3 atake nina RJ Jazul, Rey Guevarra, Alvyn Cabonce, Reymar Gutilban at Jun Belencion.
Sa unang laro, sumalaksak si JR Sena sa huling 1.4 segundo ng laro upang ipalasap ng Heavy Bombers sa PCU Dolphins ang ikaanim na talo sa pitong laro kung saan kasama nilang nangungulelat ang University of Perpetual Help-Dalta System sa ilalim ng Mapua (4-3), San Sebastian Stags (3-4) at Blazers (3-4). (Mae Balbuena)