Hindi nagkamali si Filipino world four-division champion Manny Pacquiao sa pagkuha kay super bantamweight sensation Bernabe Concepcion sa kanyang MP Promotions.
Pinatunayan ito ng 20-anyos na si Concepcion matapos pabagsakin si Adam Carrera ng California via third-round TKO sa kanilang 10-round, non-title fight sa undercard ng world welterweight championship fight nina Puerto Rican Miguel Cotto at Mexican Antonio Margarito na pinagwagian ng huli kahapon sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Nagtiming lang ako sa kanya kasi mas malaki siya sa akin at hindi ko alam ang style niya,” ani Concepcion, iniangat ang kanyang win-loss-draw ring record sa 26-1-1 kasama ang 15 KOs, habang nahulog naman sa 19-4-0 (8 KOs) ang card ng 25-anyos na si Carrera.
Sumasakay ngayon ang tubong Virac, Catanduanes sa isang 18-fight winning streak upang patuloy na dominahin ang North American Boxing Federation (NABF).
Isang matulis na uppercut ang pinadapo ni Concepcion, ginabayan ni American trainer Freddie Roach, sa kaliwang panga ni Carrera na nagpaluhod rito sa third round kung saan binilangan ni referee Joe Cortez ang huli ng mandatory eight-count.
Samantala, bigo naman si featherweight Vernie Torres matapos talunin ni Benjamin Flores ng Houston, Texas via technical decision sa kanilang eight-round bout.
Ito ang ikaanim na sunod na talo ng 34-anyos na si Torres na may 27-13-2 (15 KOs) card kumpara sa 19-3-0 (6 KOs) ni Flores. (R.Cadayona)