Napag-aralan na ang estilo at galaw, kumpiyansa si Filipino AJ “Bazooka” Banal na mananalo siya laban kay Panamian-Rafael “El Torito” Concepcion para sa kanilang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight championship ngayon sa Cebu City Coliseum.
“Alam ko na ang style niya, kaya confident ako na mananalo ako sa kanya,” wika ng 19-anyos na si Banal, nagbabandera ng 17-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs.
Ang mananalo sa pagitan nina Banal at Concepcion ang siyang hahamon sa magtatagumpay naman sa WBA super flyweight championship fight nina Japanese No. 1 Nobuo Nashiro at No. 2 Kohei Kono sa Setyembre 15.
Sakaling mauwi sa draw ang laban nina Nashiro at Kono, ang mananaig naman sa pagitan nina Banal at ng 26-anyos na si Concepcion, may 10-2-1 (6 KOs) card, tatanghaling regular champion at maghihintay ng 90 araw para sa kanyang mandatory title defense.
“I have gone a long way. I came here to win by either a decision or a knockout,” sabi ni Concepcion. “The knockout will come by itself. If I could knock him out then I would knock him out.”
Samantala, nakatakda namang makipag-upakan si Filipino super bantamweight sensation Bernabe Concepcion (25-1-1, 14 KOs) kay Adam Carrera (19-3-0, 8 KOs) bukas sa undercard ng world welterweight championship fight nina Puerto Rican Miguel Cotto at Mexican Antonio Margarito sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“He is a joy to watch and his every performance is extremely exciting like Pacquiao,” ani Bob Arum ng Top Rank Promotions sa 20-anyos na tubong Virac, Catanduanes. “Concepcion and Carrera are very competitive and I don’t care what you say about these fighters.”
Nasa undercard rin ng Cotto-Margarito si Filipino featherweight Vernie Torres (27-11, 15 KOs) ng Davao City na sasagupa naman kay Benjamin Flores (18-3, 6 KOs) ng Houston, Texas. (Russell Cadayona)