Kapwa nangako ng matinding bakbakan sina Filipino AJ “Bazooka” Banal at Panamanian Rafael “El Torito” Concepcion para sa kanilang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight championship bukas sa Cebu City Coliseum.
Ayon sa 19-anyos na si Banal, pagkakataon na niya upang matupad ang kanyang pangarap na tanghaling isang legitimate world boxing champion.
“Kahit na sinasabing bata pa ako, alam kong kaya ko nang lumaban para sa isang world championship,” wika ni Banal, tubong Bukidnon at nagyon ay nakabase sa Cebu City, na nagdadala ng 17-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs.
Iaakyat naman ng 26-anyos na si Concepcion ang kanyang 10-2-1 (6 KOs) card.
Ang mananalo sa pagitan nina Banal at Concepcion ang siyang hahamon sa mananaig naman sa WBA super flyweight championship nina Japanese No. 1 Nobuo Nashiro at No. 2 Kohei Kono sa Setyembre 15.
Ito ay base na rin sa resolusyong napagkasunduan ng WBA Championship Committee matapos isuko ni Venezuelan Alexander Munoz ang kanyang hawak na WBA super flyweight belt.
Natalo si Munoz kay Mexican Christian Mijares, ang naghahari sa World Boxing Council (WBC) super flyweight division, via split decision sa kanilang banggaan noong Mayo 17. (Russell Cadayona)