Ginebra nasa semis na
Tuluyan nang naitakda ang banggaan ng mga Gin Kings at Bulls para sa best-of-seven semifinals series.
Ito ay matapos umiskor ang Barangay Ginebra ng isang 28-point win, 113-85, kontra sa importless-Sta. Lucia sa Game 2 upang itiklop ang kanilang quarterfinals showdown sa 2008 PBA Fiesta Conference kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Naglista si pointguard Paul Artadi ng mga personal conference-highs na 12 puntos, 11 assists at 6 steals para tulungan ang Gin Kings sa 2-0 pagwalis sa kanilang best-of-three quarterfinals duel ng Realtors, iniwan ni 6-foot-10 import Lee Benson bago ang laro dahilan sa pagpapataas sa kanyang suweldo.
Makakatapat ng Ginebra ni Jong Uichico ang Red Bull Barakos ni Yeng Guiao sa isang best-of-seven semifinals series sa Linggo sa Cuneta Astrodome sa
Naglalaban pa ang Magnolia, may 1-0 abante sa quarterfinals series, at Coca-Cola habang isinusulat ito kung saan ang mananaig ang haharap naman sa Air21 sa semis.
Mula sa 28-21 lamang sa first period, pinalaki ng Gin Kings ang kanilang abante kontra Realtors sa 54-36 sa huling 2:23 ng second quarter mula sa fastbreak lay-up ni Artadi hanggang mapalobo sa isang 29-point lead, 94-65, sa 9:01 ng final canto galing sa alley hoop ni Mark Caguioa.
Ang nasabing kalamangan ay nanggaling sa inihulog na 14-2 bomba nina Artadi, Caguioa, Jayjay Helterbrand at seven-foot import Chris Alexander laban sa Sta. Lucia, naghari sa nakaraang PBA Philippine Cup.
Bago pa man ang 90-92 kabiguan sa Ginebra sa Game 1 noong Linggo ay nagrereklamo na ang 35-anyos na si Benson sa kanyang suweldo at sa ipinatutupad na curfew ng Sta. Lucia kung saan alas-7 na ng umaga siya nakakauwi sa kanyang hotel sa Pioneer.
“We don’t deserve this treatment,” ani Realtors’ team manager Buddy Encarnado sa kagaspangan ni Benson, dating nagsilbi ng isang eight-year prison term bunga ng kasong drug trafficking at abduction charges sa United States. “I thought we were dealing with a professional player here.”
Si Benson, may averages na 19.6 puntos, 2.4 assists, 2.5 blocks at second-league best 18.8 rebounds sa kanyang walong laro, ang ikatlong import ng Sta. Lucia matapos sina Wesley Wilson at Jamal Brown. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending