May bentahe ba ang Ginebra?

Hanggang kahapon ay hindi pa alam ng Barangay Ginebra kung aling koponan ang makakalaban nito sa best-of-three quarterfinal round ng PBA-Smart Fiesta Conference.

Kasi nga, dahil sila ang pumangatlo sa pagtatapos ng double round eliminations, ang makakaharap nila ay ang lulusot sa “wild card phase.”

Noong Miyerkules ay tinalo ng Sta. Lucia Realty ang Alaska Milk (99-86) at binigo ng Talk N Text ang Purefoods Tender Juicy Giants (98-83) upang magharap sa isa pang knockout match kagabi para sa karapatang labanan ang Gin Kings sa quarterfinals na magsisimula bukas.

Well, sa totoo lang, kahit na sino sa Realtors at Phone Pals ang lumusot ay okay lang siguro sa Barangay Ginebra. Parang walang magkakaroon ng malaking bentahe.

Kasi, kung titingnan ang kanilang head-on record sa elims, kapwa 1-1 ang resulta ng mga match-ups laban sa Gin Kings.

Natalo ang Ginebra sa Sta. Lucia, 97-101 sa kanilang unang pagtatagpo noong Abril 12 sa Tacloban City. Pero nakabawi ang Gin Kings, 112-104 noong Hunyo 6. Natalo din ang Gin Kings sa Talk N Text, 105-95 nang una silang magtagpo noong May 11. Pero nabawian nila ang mga ito, 100-89.

Ang mahalaga para sa Gin Kings ay ang pangyayaring sila ang nanalo sa huling pagtatagpo nila ng Realtors at ng Phone Pals. Bahagi to ng winning streak nila sa second round ng elims kung saan umangat nga talaga ang kanilang performance.

Noon kasing first round ay nangapa ang Gin Kings at nagpapalit-palit ng mga imports. Sinimulan nila ang torneo nang si Rashon Turner ang kanilang import. Pinalitan ito ni Earnest Brown. Finally, dumating sa kanila si Chris Alexander na siyang pinakamalaking dahilan ng kanilang “turnaround.”

Bukod kay Alexander, halos nakumpleto na rin ang line-up ng Barangay Ginebra dahil nagbalik buhat sa injuries sina Eric Menk, Rafi Reavis at Mark Caguioa. So kumbaga sa giyera, papasok sa labanan si coach Joseph Uichico nang kumpleto ang kanyang mga sandata.

Pero siyempre, mataas ang morale ng alinmang koponan na lulusot sa “wild card phase” kahit pa sabihin tiyak na bugbugan ang nangyari sa yugtong iyon. Kasi nga’y nasa bingit na sila ng kamatayan pero heto’t mayroon pa ulit silang pagkakataon na makausad sa semis kung saka-sakaling lulusot sila sa Gin Kings.

At ang “resurrection’ na iyon ang siyang magsisilbing elisi ng makakalaban ng Gin Kings. Hindi puwedeng sabihing pagod ang kanilang kalaban. Hindi rin puwedeng sabihing may bentahe ang Gin Kings sa paghahanda kasi hindi nga nila alam kung aling team ang paghahandaan.

Sa tutoo lang, parang mas maganda pa ang kalagayan ng Magnolia at Coca-Cola na maghaharap sa kabilang quarterfinals series. At least, alam nilang sila ang magtatagpo kaya malamang na sapat na ang paghahandang nagawa nila sa loob ng isang linggo.

Show comments