Ang larong ito ang magdedetermina kung sino sa Sta. Lucia at Talk ‘N Text ang sasagupa sa naghihintay na Barangay Ginebra sa quarterfinal round.
Maghaharap ang Realtors at ang Phone Pals ngayong alas-7 ng gabi para pag-agawan ang pang-apat at huling outright quarterfinals berth para sa 2008 PBA Fiesta Conference sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bago naayos ang kanilang banggaan para sa pagkakataong sagupain ang Ginebra sa best-of-three quarterfinals series sa Linggo, tinalo muna ng Sta. Lucia ang nagdedepensang Alaska, 99-86, habang iginupo naman ng Talk ‘N Text ang Purefoods Tender Juicy, 98-83, noong Miyerkules.
Sa nasabing tagumpay laban sa Giants, nagkaroon ng salpukan sina import Terrence Leather, Jon Dan Salvador at James Yap sa 9:38 ng final canto kung saan tangan ng Pals ang 79-63 abante.
Maliban sa naturang pananaig sa Purefoods, tangan rin ng Talk ‘N Text ang 2-0 rekord laban sa Sta. Lucia sa kanilang paghaharap sa elimination round. (RCadayona)