HONG KONG – Nagpagulong si veteran Chester King ng three-game series na 847 pins upang pamunuan ang Philippines sa men’s trios gold medal sa kanilang naitalang 4193 pinfalls sa 20th Asian tenpin bowling championships dito nitong Martes ng gabi.
Nagpatumba si King ng 279, 289 at 279 para sa impresibong average na 276.67 pins per game at nakakuha ng malaking suporta kina Raoul Miranda at Frederick Ong, na nagposte ng 713 at 637 three-game total, ayon sa pagkakasunod sa pagkopo ng mga Pinoy sa prestihiyosong tournament.
Inaasahang makukuha ni King, nagtala ng Asian championship record na 813 (three-game series) sa short oil noong Martes ng umaga sa team-of-five event, ang individual gold medal sa all-events sa kanyang 21-game total na 4886 pins (232.67 average) patungo sa natitirang tatlong games.
Nakasunod kay King ang isa pang Filipino stand-out, ang singles bronze medalist na si Miranda, na naghahabol ng 127 pins sa kanyang 4759 (226.62 average), habang ang maagang leader na si Mubarak Al-Muraikhi ng Qatar ay nalaglag sa third na may 4711 (224.33).
Ang second block ng team event na magiging basehan ng all-events champion at ng top 16 bowlers na uusad sa Masters competition ay nilalaro pa kahapon habang sinusulat ang balitang ito.
Ang RP squad nina King, Miranda, Ong, Tyrone Ongpauco at Vlad Tuazon ay fifth sa team-of-five event na may 3291.
Sa distaff side, ang RP team na binubuo nina Krizziah Lyn Tabora, Liza del Rosario at Marie Alexis Sy ay ika-12th na may 3541, habang ang grupo nina Dyan Coronacion, Kimberly Lao at Elaine Ongpauco ay 15th na may 3343.
Si Tabora na lamang ng RP ang may pag-asa na makapasok sa Masters event na may 4374 pins para sa 16th place katabla ang Malaysian na si Zandra Aziela sa all-events.