Apat na teams, isang quarterfinals slot.
Dito tatakbo ang istorya ng wild card phase ng 2008 Smart PBA Fiesta Conference na magsisimula ngayon sa Ynares Centre sa Antipolo City.
Maglalaban-laban ang apat na teams na ito na nagtapos ng classification round sa lower half ng team standings para sa ikaapat at huling quarterfinal slot.
Ang Alaska at Sta. Lucia ang maghaharap sa alas-4:50 ng hapon habang ang Talk N Text at Purefoods naman ang magsasagupa sa alas-7:20 ng gabi.
Ang ‘surviving team’ sa wild card phase na ito ay makakasama sa quarterfinal round ng Ginebra, Coca-Cola at Magnolia na pare-parehong nagtapos na may 10-8 kartada.
Dahil nagtapos ang Air21 at ang Red Bull bilang top-two teams sa kanilang 12-6 at 11-7 record ayon sa pagkakasunod, nabiyayaan sila ng outright semifinal slot at maghihintay na lamang sila ng kalaban sa semifinals.
Tinapos naman ng Aces at Phone Pals ang classification phase na tabla sa 9-9 kartada kasunod ang Purefoods (8-10) at Sta. Lucia (7-11) ha-bang maagang magbabakasyon ang Welcoat bunga ng kulelat na 4-14 record.
Nanghinayang si coach Chot Reyes sa 105-103 panalo kontra sa Red Bull kung kailan huli na ang lahat dahil nadesisyunan na ang kanilang kapalaran na dadaan sa wildcard phase.
Dalawang beses tinalo ng Alaska ang Sta. Lucia sa dalawang beses na paghaharap at inaasahang mauulit nila ito sa tulong ni import Randy Holcomb na susuportahan nina Tony dela Cruz, L.A. Tenorio, Willie Miller at iba pa.
Pinapaboran ding manalo ang Phone Pals sa Giants na tinalo rin nila ng dalawang beses sa 79-74 at sa makapigil hiningang 102-101. (Mae Balbuena)