Umaasa si Filipino light flyweight contender Glenn “The Filipino Bomber” Donaire na wala nang magiging dahilan si International Boxing Federation (IBF) light fly-weight champion Ulises “Archie” Solis para umatras sa kanilang championship fight.
Ito ay matapos na ring kumpirmahin ng Top Rank Promotions ni Bob Arum ang pagdedepensa ni Solis ng kanyang IBF crown laban kay Donaire sa Hulyo 12 (US time) sa Sonora sa Mexico.
“Nu’ng nalaman ko na tuloy na ‘yung championship fight namin ni Solis, talagang tuwang-tuwa ako,” sabi ng 28-anyos na si Donaire sa panayam kahapon ni Dennis Principe sa kanyang radio program sa DZSR Sports Radio.
Matatandaang ilang beses nakansela ang pagdedepensa ng 26-anyos na si Solis sa kanyang IBF light fly-weight belt kay Filipino challenger Bert Batawang noong 2007 bago ito natuloy noong Disyembre 15 kung saan umiskor ang Mexican ng isang ninth-round TKO.
“Siyempre, hindi ko rin maiaalis ‘yung kaba na magkunwari na naman siyang may trangkaso or may injury siya,” ani Donaire, nakatatandang kapatid ni IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight king Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr., kay Solis.
Ibabandera ni Donaire ang 17-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 9 KOs, samantalang dadalhin naman ni Solis ang 26-1-2 (20 KOs).
Bilang preparasyon, tinutulungan ng 25-anyos na si Nonito, Jr. si Donaire sa kanyang pagsasanay bilang sparring partner.
Natalo si Donaire kay dating IBF at IBO fly-weight ruler Vic Darchinyan ng Armenia via sixth-round technical decision noong Oktubre 7, 2006 bago lumaban noong Pebrero 22 kung saan siya tumipa ng isang unanimous decision kay Jose Albuquerque. (RCadayona)