Unti-unti nang nabibisto ang kahinaan ng mga Blazers ng bagong coach na si Gee Abanilla.
Makaraang iposte ang malinis na 2-0 karta, nalasap ng College of St. Benilde ang kanilang pangalawang sunod na kabiguan nang umiskor ang Jose Rizal University ng isang 75-67 panalo sa first round ng 84th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kumabig si 6-foot-5 slotman JR Sena ng 21 produksyon, habang nag-ambag naman ng 20 si pointguard Marc Cagoco para ibigay sa Heavy Bombers ang kanilang 1-2 rekord katabla ang five-time champions San Sebastian Stags.
Agad na itinala ng Jose Rizal ni Ariel Vanguardia ang isang 11-point lead, 22-11, hanggang makabawi ang Blazers, una at huling nagkampeon noong 2000 sa ilalim ni Dong Vergeire, ni Abanilla sa pagpinid ng third quarter, 53-53.
Matapos ang isang three point shot ni Aaron Umlas para sa 5962 agwat ng Blazers, isang tres ni John Wilson at 3-point play ni Sena ang nagpadyak sa 68-59 bentahe ng Heavy Bombers sa 6:02 ng final canto.
Huling nakadikit ang St. Benilde sa 63-68 agwat mula kina Jeff Morial at Robbie Manalac kasunod ang split ni Wilson at lay-up ni Sena upang ibigay sa Jose Rizal ang komportableng 71-63 lamang sa huling 1:40 ng sagupaan.
Sa juniors’ division, humakot naman si Keith Agovida ng game-high 37 puntos at 15 rebounds upang igiya ang Light Bombers sa 105-80 pag-gupo sa CSB-La Salle Greenies para sa kanilang 2-1 baraha kumpara sa 1-2 marka ng huli.