Marami pang bigas ang kakainin ng mga Filipino shuttlers.
Sa pagtatapos ng 14th ASEAN Schools Badminton Championships kahapon sa Ninoy Aquino Stadium, tanging ang bronze medal lamang nina Greg Paz at Gellie Ramos ang nailusot ng Philippine Team.
Ang tansong medalya nina Paz at Ramos ay nagmula sa kanilang pagiging tersera sa mixed doubles event ng nasabing five-day meet.
Kabuuang tatlong gold medal ang inihataw ng malakas na Thailand, dalawa rito ay sa singles competition, habang tig-dalawa naman ang kinuha ng Indonesia at Malaysia.
Ang huling dalawang gintong inangkin ng Thailand ay nanggaling kina Bodin Isara at Nuttaya Sanlekanun sa mixed doubles at mula kina Sarayuth Seatung at Sermsin Wongyaprom sa boy’s doubles.
Maliban sa girls’ team event, pinagreynahan rin ng Indonesia ang kompetisyon sa girls’ doubles sa likod nina Destiara at Ni Made Claudia Ayu Wijaya kung saan natalo sina Gelita Castelo at Camille Yang ng RP Team.
Dalawang ginto ang ibinulsa ng Malaysia sa boys’ singles mula kay Iskandar Zulkarnain Zainuddin at ang girls’ singles mula kay Tee Jing Yee. (RCadayona)