Sisimulan ng San Beda College ang pagdedepensa ng titulo para sa ikatlong sunod na korona sa pagbubukas ng 84th NCAA men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Makakasagupa ng Bedans ang host Mapua sa alas-2:00 ng hapong sagupaan matapos ang makulay na opening ceremonies sa ala-una ng hapon.
Ang runner-up noong nakaraang taon na Colegio De San Juan de Letran ay sasagupa sa Jose Rizal University sa alas-4:00 kasunod ang engkwentro ng University of Perpetual Help at San Sebastian College sa alas-6:00 ng gabi.
Matapos mawala sa eksena noong nakaraang taon dahil sa suspension, magbabalik ang Philippine Christian University na haharap sa College of St. Benilde sa ikaapat at huling laro sa alas-8:00 ng gabi.
Halos di natinag ang line-up ng three-peat seeking Red Lions na muling pangungunahan ng Nigerian center na si Sam Ekwe, ang Finals Most Valuable Player (MVP) ng nakaraang taon na si Ogie Menor at ang third year guard na si Pong Escobal.
Tanging si Yousif Aljamal lamang na naglalaro na ngayon sa PBA ang nawala sa line-up ngunit lumakas ang kanilang frontline dahil sa pagdating ni dating PCU Baby Dolphins stalwart Elvin Pascual na naging isyu pa bago ito tuluyang malagay sa line-up ng San Beda.
Ayaw sanang palaruin ang 6-foot-6 na si Pascual, ang 2006 MVP at Rookie of the Year, ng Management Committee (MANCOM) dahil isa siya sa limang players na kasama sa NCAA report na nandaya ng dokumento para makalaro sa PCU. (MBalbuena)