Ito na ang sinasabing ‘breakthrough win’ para sa mga bagitong local shuttlers.
Umiskor ang Philippine Team ng dalawang panalo sa boy’s singles at mixed doubles event laban sa Brunei sa paghataw ng singles competition kahapon sa 14th ASEAN Schools Badminton Championships sa Ninoy Aquino Stadium.
Tinalo ng 14-anyos na si Joper Escueta si Noriskandar Bin Omar, 21-12, 21-14, sa boys’ singles event, habang sinibak naman nina Greg Paz at Gelli Ramos sina Rahimin Bin Mohd Azri at Sazunilla Bte Saat, 21-8, 21-7, sa mixed pair.
Ang nasabing mga tagumpay ni Escueta, gold medalist sa elementary at high school division ng Palarong Pambansa, at dalawahan nina Paz at Ramos ang nagpasok sa kanila sa quarterfinals na hahataw ngayong umaga.
Nanggaling ang Nationals sa isang magkatulad na 0-5 pagkakablangko sa boy’s at girl’s team competitions.
Kaugnay nito, ang Indonesia pa rin ang patuloy na nagrereyna sa girls’ team event, samantalang ang Thailand ang naghahari sa boys’ team event. (Russell Cadayona)