Ito na ang magdedetermina kay Filipino lightweight fighter Bobby Pacquiao kung may kinabukasan pa siya sa professional boxing.
Nakatakdang sagupain ng 27-anyos na si Bobby, utol ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao, ang 23-anyos na si Decho “The Lazy Boy” Bankluaygym ng Thailand para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) Asia-Pacific lightweight belt sa Agosto 2 sa Cebu City.
Nanggaling si Bobby sa isang first round TKO kay Urbano Antillon noong Marso 13 sa Hard Rock Hotel & Casino sa Las Vegas, Nevada.
Tangan ni Bobby ang 28-14-3 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs, samantalang ibinabandera naman ni Bankluaygym, tinalo na ni Czar Amonsot via unanimous decision sa isang 10-round bout, ang 28-10-0 (19 KOs) slate.
Nauna nang sinabi ni Pacquiao na tutulungan niya ang nakakabatang kapatid na si Bobby na makabalik sa world boxing scene sa pamamagitan ng laban kay Bankluaygym.
Kabilang sa mga pamosong super featherweight fighters na tinalo ni Bobby ay sina Carlos Hernandez via spilt decision noong Oktubre 8 ng 2005 at Kevin Kelley via fourth-round TKO noong Hunyo 10 ng 2006.
Nawala naman kay Bobby ang dating suot na World Boxing Council (WBC) Continental Americas featherweight crown nang madiskuwalipika sa 11th round sanhi ng low blows kay Hector Velasquez noong Nobyembre 16 ng 2006.
Matapos ito ay isang seventh-round TKO ang nalasap ni Bobby kay Humberto Soto noong Hunyo 9 ng 2007 sa Madison Square Garden sa New York City. (Russell Cadayona)