Isang malaking tagumpay na para sa Air21 ang maka-10 panalo para maging sorpresang lider ng kasalukuyang 2008 PBA Fiesta Conference.
Tangan ng Express ang nangungunang 10-6 win-loss record at ang susunod nilang target ay ang outright semifinal slot na ipagkakaloob sa top two teams pagkatapos ng double round classification phase.
“Getting this 10th win is what we hoped to achieve and now we can start thinking about getting to the top two after the eliminations,” pahayag ni coach Bo Perasol makaraang makupit ang ika-10th na panalo laban sa Welcoat kamakailan.
Matapos makansela ang dalawang laro noong Linggo bunga ng bagyong Frank, sa araw na ito, sasagupain ng Express ang Magnolia sa tampok na laro sa alas-7:20 ng gabi tangka ang ikatlong sunod na panalo.
Tinalo ng Express ang kulelat na Welcoat, 91-87 noong nakaraang Miyerkules (June18) matapos biktimahin ang Talk N Text, 112-111 noong ‘Friday the 13th.’
Ikatlong sunod na panalo rin ang target ng Beverage Masters, na may 9-7 karta katabla ang Coca-Cola, sa likod ng pumapangalawang 9-6 record ng Red Bull.
Nakatakdang sumagupa ang mga bata ni coach Yeng Guiao, na nais makabawi sa 91-93 pagkatalo sa Purefoods, sa Welcoat sa pambungad na laban sa alas-4:50 ng hapon.
Sigurado na ang Air21 sa playoff para sa tatlong awtomatikong quarterfinal slot at ito rin ang magiging kalagayan ng Bulls kung sila ay mananalo. (Mae Balbuena)