May bagong humahamon kay Pacman

Isama na si unbeaten lightweight contender Amir Khan sa mga gustong makatagpo si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa ibabaw ng boxing ring.

Inihayag kahapon ni Khan, silver medalist sa 2004 Olympic Games sa Athens, Greece, ang kanyang paghahamon kay Pacquiao, ang bagong World Boxing Council (WBC) super featherweight champion, matapos umiskor ng isang fifth round TKO kay Michael Gomez sa Birmingham, England.

 Nakatakdang hamunin ng 29-anyos na si Pacquiao ang 32-anyos na si David Diaz para sa hawak nitong WBC lightweight crown sa Hunyo 28 (US time) sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada.

 “Diaz and Pacquiao are both great fighters, but I’m confident that I could beat both of them,” pagyayabang ng 21-anyos na si Khan.

Nauna nang inilista sina light welterweight Ricky Hatton at lightweight Nate Campbell sa mga ikinukunsiderang makakaharap ni Pacquiao, puntirya ang kanyang ikaapat na weight division belt matapos maghari sa flyweight, super bantamweight at super featherweight class. (Russell Cadayona)

Show comments